General Academic Strand: Bakit ito?

                 


     Sa apat na taon ko sa Junior High School, nasanay akong ipagwalang bahala ang mga bagay-bagay. Basta-basta nalang magdedesisyon ng hindi iniisip ang posibleng resulta. Subalit dumating ang araw na kailangan ko nang harapin ang susunod na yugto, ang Senior High School. 
     Nang iabot sa akin ang enrollment form, hindi ako nagdalawang isip na isulat ang strand na aking kukunin, ang General Academic Strand (GAS). Maaaring may kani-kaniyang dahilan ang bawat mag-aaral sa strand na kanilang napili. Ngunit wala akong maisip na dahilan kung bakit GAS ang napili kong tahakin. Maaaring naudyok lamang ako sa mga bulung-bulungan na madali lamang ang strand na ito. Isa pa sa maaaring dahilan kung bakit ito ang aking napili ay dahil ito rin ang strand na napili ng aking mga kaibigan. 
     Sa una, hindi pa gaano kabigat ang mga gawain. Ngunit dumating ang panahon ng kalbaryo na kinakailangan ko nang sanayin ang aking sarili sa puyatan dahil sa sandamakmak na paper works, outputs, at pagsusulit. Masanay sa ngawit na mararanasan dulot ng halos walong oras na pagkakaupo habang pinapakinggan ang aralin ng walong asignatura. Mababaliw ka talaga kung paano mo isisiksik sa iyong utak ang lahat ng napag-aaralan sa buong araw. Kaya't lagi kaming pinaaalahanan ng mga guro na pag-aralan sa bahay ang mga natutunan sa kanilang asignatura. 
     Isa rin sa naging kahinaan ko ang pagkabisa ng Philippine Bills and Laws, Philippine Preamble at ang Universal Declaration of Human Rights, kahit wala naman kaming balak na maging abogado. Hindi rin magpapahuli ang bawat formula na natalakay namin sa Statistics and Probability. Naudyok din akong pag-aralan ang bawat teorya, kung paano ito sinimulan at nahanapan ng butas. Dumating ako sa punto na kinaawaan ko ang talambuhay ng ilang scientist na napariwara ang buhay dahil minaliit ang kanilang konsepto. Kung kailan sila binawian ng buhay, tyaka nabatid na tama ang konseptong nabuo sa kanilang teorya. 
     Nahasa rin ang aming kakayahan sa pag-arte kahit hindi naman artistahin ang aming pagmumukha. Naranasan namin maging isang Newscaster, Businessman, Scientist, Director, IT expert at mabuting mamamayan. Dito napagtanto namin ang mga natatagong talento at kakayahang mayroon kami. 
    Pigang-piga na rin ang aking utak kapag pagsusulat ang pinaguusapan. Nagtapos ako ng Elementary at Junior High School na walang hilig sa pagsusulat. Kaya napakalaking hamon para sa akin na tinahak ko ang strand na ito. Tuwing may pinapagawang sanaysay, tula, artikulo ay pinagpapawisan na ng husto ang aking kamay at noo. Maswerte na ang makabuo ako ng isang talata hanggang limang talata at isang pagdiriwang kapag umabot ito ng tatlo hanggang limang talata. Sa araw-araw na pagsusulat maaaring hindi pa ito sapat para matawag na mahusay. Ika nga ni Sean Beausolil, "Whatever your current is, it can be better. "
     Sa ilang buwan at taon na ginugol ko sa strand na ito, maaari ko ng matukoy kung "Bakit General Academic Strand (GAS)  ang aking napili?" Napili ko ang strand na ito, hindi dahil naisulat ko lang sa enrollment form. Kundi dahil alam kong saklaw nito ang aking mga kahinaan. Kahinaang nais maging kakayahan upang harapin ang mapanghamon na kinabukasan. Sa napakalawak na sakop ng General Academic Strand, naging patunay ito upang mapunan ang pagkagutom sa dunong at dangal ng bawat mag-aaral. 

Comments

Popular posts from this blog

"Hindi masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan"

Liham bilang ako sa hinaharap