Buhay Senior High School: Mahirap nga ba?


       
        

     Hindi madali ang buhay ng isang mag-aaral lalo na't nadagdagan ng dalawang taon ang aming gugugulin sa High School o ang tinatawag na Senior High School. Ngunit maituturing na makabuluhan ang pagbabago sa sistema ng ating edukasyon upang ang bawat mag-aaral ay mahasa sa iba't-ibang larangan, sa akademiko, teknikal o bokasyonal man na kurso. 
 
    Sa kasalukuyan ako ay nasa ika-labindalawang baitang at inaasahan ang paparating na pagtatapos ng aking yugto sa Senior High School. Hindi naging madali ang takbo ng aking buhay sa yugtong ito. Isa rin ako sa mga mag-aaral na nahirapang makipagbakbakan sa nakakapanibagong sistema, asignatura, mga guro at siksikang iskedyul. Maaaring isa ito sa mapanghamon na parte ng aking buhay ngunit hindi matatawaran ang saya, lungkot at pagmamahal na dulot nito. 

    Bago ko tahakin ang unang yugto sa mundo ng Senior High School o ang Grade 11, wala akong kamuwang-muwang kung ano ang posibleng kahihinatnan ko sa institusyon na aking papasukin. Nakadama ako ng takot na baka mangapa ako sa bagong kapaligiran. Nangangamba kung paano sila pakikisamahan. Nagugulimihanan ako sa mga agam-agam na nabuo sa aking isipan. 

   Isang makapagpigil-hininga ang unang araw na pagtapak ko sa aming paaralan. Sabayan pa ng napakalakas na hiyawan ng kapwa ko mag-aaral na wari'y mga batang naglalaro lamang. Kitang-kita sa kanilang mga mata ang kasiyahan na isa na silang ganap na estudyante ng Senior High School. Ngunt batay sa aking nararamdaman tila isa itong bitag ng kalbaryo. 

     Sa bawat hakbag na aking ginawa pabigat ito ng pabigat. Sa bawat bagong mukha na aking nakita para akong isang pinto na unti-unting sumasara. Ngunit pinili ko pa ring magpatuloy. Nang tuluyan ko ng mapasok ang apat na sulok ng aming silid-aralan, muli kong nakita ang pamilyar na pagmumukha ng aking mga kaibigan. Lubos na kaligayahan ang aking nadama, sa kadahilanang hindi na ako mag-isa na haharapin ang hamon ng buhay sa Senior High School. 

     Hindi naging madali na magkakasama kami sa iisang silid-aralan. Halos isang linggong nagpapakilala sa isa't-isa hanggang masaulo ang bawat pangalan. Nabuo sa aming isipan ang iba't-ibang impresyon. Ngunit sa paglipas ng araw at buwan mas nakilala namin ng lubusan ang bawat isa. Unti-unting bumubuo ng matatag na samahan. 

    Sa loob ng halos walong buwan sa Grade 11, marami man ang gawain, tampuhan at mga hindi kagandahang pagtatanghal nakabuo pa rin kami ng masasayang karanasan. Masaya naming naipakita ang tunay na pagkakaisa. Dito namin natutunan kung paano magbigay galang sa bawat mag-aaral at mga guro. Kung paano gamitin ng tama ang oras sa makabuluhang bagay. Nasubok rin ang aming kakayahan na panagutan at resulbahan ang mga bagay na aming ginawa. Tumulong ng hindi humuhingi ng anumang kapalit at bumuo ng tunay na pagkakaibigan. 

     Sa ikalawang yugto ng Senior High School o ang Grade 12, masasabi kong nag-iba na ang atmospero ng buhay dito. Minsa'y narinig ko sa isang mag-aaral ang napakamaling konsepto sa buhay Senior High School, "Nakapasa nga tayo sa Grade 11, sa Grade 12 pa kaya?  Basic! ". Maaaring iniisip ng iba na napakadali ng buhay sa Senior High School, ngunit hindi. Ako, bilang isang mag-aaral ng Senior High School naranasan ko ang iba't-ibag antas ng pagkabahala. Dumating ako sa punto kailangan kong unahin ang sandamakmak na gawain kaysa kumain. Gumugol ng higit na oras at minsan nga'y wala ng tulugang nagaganap matapos lamang ang pananaliksik na aming ginagawa. Sa dami ng gawain sa paaralan minsa'y nagdulot din ito ng hindi inaasahang karamdaman. Minsa'y hindi na rin namin magawang ibalanse ang buhay estudyante at buhay kabataan. 

     Hindi ko naman masisisi ang aming mga guro na sandamakmak kung magbigay ng gawain. Dahil alam kong lahat ng iyon ay para sa aming kinabukasan at paghahanda upang harapin ang mundo ng trabaho. Nakita ko rin kung paano nagtiyaga ang mga guro upang maturuan kami ng mabuti. Iba't-ibang estilo ng pagtuturo at pakikihalubilo ang kanilang ipinamalas upang maintindihan namin ng lubos ang bawat detalye at ideya ng kanilang itinuturo. Sa bawat araw na tinuturuan nila kami, laging nananaig ang pagiging ina, ama, kapatid at kaibigan nila sa amin. 

     Konting panahon nalang ang nalalabi, lilisanin na namin ang apat na sulok ng aming silid-aralan na saksi sa bawat iyakan, halakhakan, tampuhan. Ang mga silyang may bakas ng aming pangalan at ang pasilyo na mistulang tambayan at estudyo habang nagkakantahan. Hindi pa man namin naabot ang rurok ng yuggong ito, damang-dama na namin ang katagumpayan. Kahit alanganin pa para ipagdiwang ang aming pagtatapos dahil marami pa kaming kailangang tapusin na gawain tulad ng Immersion, pananaliksik at mga proyekto sa bawat asignatura. Ngunit nilulubos na namin ang kasiyahan at ang oras na kami'y magkakasama. 

     "Ipagpatuloy at pagbutihin ang nasimulan", ito'y nagsilbing paalala sa amin ng mga guro, na anumang estado ng aming kaalaman at buhay sa kasalukuyang ito ay maaari pa itong gumanda't umunlad. Nakasalalay ito sa atin, kung kaya pa nating pagbutihin ang pag-aaral, gawin natin. Lalo na kapag nararamdaman natin ang naising pagbutihin ito. Lahat posible kapag mayroon tayong naisin at determinasyong maabot ang ating minimithi. 
     
     Alam kong hindi pa rito nagtatapos ang aking tatahakin dahil simula pa lamang ito. Maaaring mas mahirap pa ang bago kong kakaharapin na hamon ng buhay at ang lahat ng aking karanasan ang magsisilbing pundasyon upang matarog pa ang aking marating. Sa bawat mag-aaral, lagi nating tatandaan na marami pang oportunidad na magbubukas para sa atin at buong lakas nating harapin ang hamon ng buhay. Anumang hirap ang ating danasin, ito ang bubuo ng ating pagkatao't katapangan. Lahat ng ating ginagawa sa kasalukuyan ay kapakinabangan sa ating kinabukasan. 


Comments

Popular posts from this blog

"Hindi masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan"

General Academic Strand: Bakit ito?

Liham bilang ako sa hinaharap